MANILA, Philippines - Nakahanda ang pinalayang si Senador Antonio Trillanes IV na makipagtulungan sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ang inihayag kahapon ni Trillanes matapos itong palayain sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame pasado alas-9:00 ng gabi nitong Martes. Iginiit nito na suportado niya ang mga programa ni P-Noy.
Si Trillanes, isa sa mga itinuturong lider ng Magdalo Group ay nasangkot sa bigong coup de etat laban sa nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo matapos na sakupin ng may 300 opisyal at mga enlisted personnel ng militar ang Oakwood Premiere Hotel sa Makati City noong Hulyo 27, 2003.
Sa kasalukuyan ay nagpapahinga muna si Trillanes sa piling ng kaniyang pamilya sa kanilang bahay sa Town and Country Executive Village sa Cainta, Rizal.
Inihayag naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na maaring magtungo kahit saang lugar sa Pilipinas si Trillanes maliban sa ibang bansa habang nasa ilalim pa ito ng kustodya ng Senado.
Nilinaw rin ni Enrile na hindi papayagan ng Senado na lumabas ng bansa si Trillanes hangga’t hindi ito pormal na nabibigyan ng amnestiya.Samantalang, nagtalaga na rin kaagad si Enrile ng dalawang security mula sa Office of the Sergeant-At-Arms (OSSA) para kay Trillanes.