Combat pay ng mga sundalo dinoble

MANILA, Philippines - Simula sa Enero ng susunod na taon ay doble na ang matatanggap na combat pay ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito’y matapos na itaas ni Pangulong Benigno Aquino III ang matatanggap na combat pay ng mga sundalo mula sa da­ting P240 kada buwan ay dinagdagan ito ng P260 o kabuuang P 500.

Ginawa ni P-Noy ang pahayag sa ginanap na ika-75 taong anibersaryo ng AFP sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ayon kay P-Noy, ang dagdag benepisyo ay bilang bahagi ng commitment ng kanyang administrasyon na mapaangat ang kabuhayan ng bawat kawal.

Sa nasabing okasyon ay pinarangalan rin ng AFP ang mga bayaning kawal sa pangunguna ni Rear Admiral Alexander Pama kaugnay ng tagumpay ng kampanya kontra sa terorismo sa panahon ng panunungkulan nito bilang Commander ng AFP- Wes­tern Mindanao.

Samantala, bilang reaksyon sinabi ni AFP Deputy Chief for Operations (J3) Chief Major Gen. Emmanuel Bautista, isang magandang aginaldo ngayong kapaskuhan ang pagtataas ng combat pay na patunay lamang na kinikilala ng Commander-in -Chief ang sakripisyo ng mga sundalo.

“ It will further boost the morale of our soldiers,” anang heneral.   

Show comments