MANILA, Philippines – Tiniyak ni Health Secretary Enrique Ona na handang-handa na ang mga pampublikong ospital sa ilalim ng Deparment of Health sa anumang emergency cases sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon partikular sa mga mabibiktima ng paputok at iba pang hindi inaasahang insidente.
Itinakda na rin ang pagsasailalim sa code white alert status sa lahat ng mga nasasakupang ospital na ipatutupad sa Disyembre 24, 25 at 31, 2010 at Enero 1 ng 2011.
Sa ilalim ng code white alert, lahat ng pagamutan ay dapat na may sapat na bilang ng mga medical personnel, equipments at gamot upang mabilis na makatugon sa mga biktima sa lahat ng oras.
Tinatayang nasa 72 pagamutan ang nasa ilalim ng kontrol ng DOH sa buong bansa.
Unang inilunsad ng DOH ang kampanya kontra paputok kung saan mahigpit na ipinagbabawal sa mga menor de edad ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga paputok.
Layunin nito na mailayo ang mga bata sa mga aksidente na may kinalaman sa paputok.