MANILA, Philippines – Nagpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema kaugnay sa resolusyong ipinasa ng City of Manila at sa City Council na pinangungunahan ni Vice Mayor Francisco “Isko” Moreno na nagpapahinto sa implementasyon ng Manila International Container Terminal (MICT) Berth 6 project ng Philippine Ports Authority (PPA).
Nakapaloob sa dalawang pahinang resolusyon ang paggagawad ng Second Division ng SC na pinamumunuan ni Senior Associate Justice Antonio T. Carpio ng TRO na inisyu noong Dec. 8, 2010 kaugnay sa inaprubahan ng City Council ng Manila na Resolution No. 141.
Hiniling ang naturang TRO kaugnay na rin sa naturang resolusyong ipinalabas ng nasabing lungsod noong Sept. 23, 2010 na nagrerekomendang ihinto at suspindehin ang isinasagawa ng MICT Berth 6 project na pinasok nang Philippine Port Authority sa International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) para sa management, operation at development sa MICT hangga’t hindi naisasaayos ang mga kinakailangang requirement sa ilalim ng Local Government Code and Manila Water Code.
Ipinaliwanag ng ICTSI na walang awtoridad ang city council na mag-impose ng karagdagang requirements para sa port construction sa Port District ng Manila. Gayundin, sa bagong Manila Water Code na inaprubahan ng konseho ng lungsod, hindi nito puwedeng amiyendahan ang PPA charter at ang laws and rules nito sa reclamation of land hinggil sa port projects.
“Neither the Public Estates Authority nor the Philippine Reclamation Authority, and much less, the City of Manila can validly assert their respective legal authority over the project even if it entails land reclamation,” pahayag ni Senate President Juan Ponce Enrile.