MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Laguna Governor Jeorge “ER” Ejercito Estregan na ibaba ang napipintong pagtaas ng 250% hanging 300% toll fee sa South Luzon Expressway (SLEX) na malaking epekto aniya sa ekonomiya ng pamahalaang lokal ng lalawigan.
Ang panawagan ni Ejercito ay kasunod ng pagbasurang ginawa ng Korte Suprema sa TRO (temporary restraining order) noong Abril 13, 2010 para pigilan ang toll increase.
Ani Ejercito, ang nakalululang pagtaas ay malaking epekto para sa pang-transportasyon na makakadamay din sa mga negosyong tumatakbo sa loob at labas ng lalawigan.
Bukod dito, pati mga pangunahing bilihin ay tiyak na maaapektuhan dahil na rin sa tinatawag na ‘transport costs.’
Sinabi ni Ejercito na habang tinitingnan ng SLEX management na makatutulong ang toll increase sa turismo, ilang business industries at mga investors, apektado naman dito ang turismong lokal ng Laguna, bukod pa ang iba pang aspetong may kinalaman sa economic assets ng lalawigan.
Nakipagpulong na si Ejercito sa Toll Regulatory Council (TRB), at South Luzon Tollway Corporation (SLTC), Laguna Chamber of Commerce, Provincial Tourism Council, NGO’s, local government units at transport sector para pag-usapan ang iba pang alternatibong solution hinggil sa napipintong toll increase.