MANILA, Philippines – Naniniwala ang Public Attorneys’ Office (PAO) na tulad sa Aquino-Galman double murder case, maari pang magbago ang desisyon ng Supreme Court at maibalik sa kulungan si Hubert Webb at mga kasama nito na naabswelto sa Vizconde massacre case.
Ayon kay PAO chief Persida Rueda-Acosta, may ilang desisyon din umano ng SC sa nakaraan na gagamitin nila para mabigyang-pansin ang kanilang argumento.
Malaki ang paniniwala ni Atty. Acosta na pagbibigyan ng mga Mahistrado ang kanilang mosyon sa sandaling ihain na nila ito bago matapos ang buwan ng Disyembre kayat posible ring magkaroon ng oral argument para dito.
Malugod na tinanggap ng pamilya Vizconde ang direktiba ni Pangulong Aquino para sa re-investigation ng pagpaslang sa kanyang pamilya.
Ayon pa kay Acosta, posibleng nararamdaman din umano ng Pangulo ang damdamin ni Lauro Vizconde at hindi umano ito malayo dahil naging biktima rin ang kanyang ama na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr..
Si Acosta ay pamangkin ni Lauro Vizconde at kabilang sa panel na nagsampa ng kaso laban sa grupo ni Webb.
Samantala, kinondena naman ni Acosta si SC spokesman at court administrator Midas Marquez sa pagsasabing pinal na ang desisyong pag-acquit kina Webb at wala ng puwang para sa motion for reconsideration.
Nagtataka si Acosta sa mga binibitawang pananalita ni Marquez laban sa kanilang binabalak na motion for reconsideration dahil sa hindi pa naman umano sila umaapela ay sinasaraduhan na ito ng SC kaya duda sila sa motibo nito.
Subalit sa sandaling hindi naman umano sila pagbigyan ng Korte Suprema ay ihahagis na lamang nila sa Manila bay ang hawak nilang mga dokumento na ang ibig sabihin umano ay wala nang maasahan sa justice system ng bansa.