Police visibility sa Simbang Gabi, Xmas shopping rush pinaigting

MANILA, Philippines –  Mas pinaigting pa ng Manila Police District ang police visibility para matugunan ang kaukulang seguridad ngayong Christmas shopping rush at Simbang Gabi sa lungsod.

Bukod sa mga naka-motorsiklong umiikot sa mga crime-prone areas, mas maraming pulis nga­yon ang itinalaga sa matataong lugar tulad ng mga simbahan na pinagdadausan ng tradisyunal na Simbang Gabi, pamilihan at night markets, mga mall at erya ng mga establisimyento kabilang ang mga lugar na may ATM machines ang mga bangko.

Kabilang din dito ang pagdaragdag ng checkpoints sa iba’t-ibang lugar.

Ani MPD director C/Supt. Roberto Rongavilla, inatasan niya ang mga tauhan ng MPD na kung maari ay palaging magsuot ng uniporme kahit papauwi na sila ng bahay, lalo na sa mga nagko-commute lamang dahil isa pa ito sa magiging hadlang sa mga masasamang elemento na gumawa ng krimen, dahil sa presensiya ng unipormadong pulis.

Sa dami ng nakakalat na pulis, mas mapapabilis na ang pagresponde o pagsaklolo sa publiko.

Sa panig naman ni P/Supt. Ferdinand Quirante, mariin niyang ipinag-utos sa kaniyang mga tauhan na ipagbawal o itaboy ang mga istambay, ambulant vendors na makikita sa tapat ng malalaking tindahan ng alahas, bangko, restaurants at iba pang establisimyento sa Chinatown area upang makaiwas sa mga syndicated groups na nagpapakawala ng kanilang mga tao upang i-surveiilance ang mga ‘tinatarget’ nilang looban.

“Kasi yung mga robbery-hold-up, hindi basta mangyayari yan kung walang naniniktik na mi­yembro ng robbery group. Pwede silang magpanggap na vendors o patambay-tambay, na di mo akalain na sinu-surveillance na pala yung target nilang holdapin, pinag-aaralan nila yung kilos at oras ng pagdeposito sa bangko.

Show comments