MANILA, Philippines - Ipauubaya na lamang ni outgoing Comelec Chairman Jose Melo sa magiging susunod na pinuno ng poll body ang pagdedesisyon kung bibilhin ang lahat ng PCOS machine na ginamit noong May 10 elections.
Ayon kay Melo, nakausap na niya ang mga taga-Smartmatic at pumayag naman ang mga ito sa nasabing set-up at nagdesisyong manatili muna sa bansa ang mga nasabing makina hanggang sa makapagdesisyon ang Comelec.
Ipinaliwanag ni Melo na ngayong pababa na siya sa pwesto ay ayaw naman niya na magdesisyon ng ganoon kalaking bagay at bahala na lamang rito kung sinumang papalit sa kanya.
Gayunman, malaki ang posibilidad na ang bilhin muna ng Comelec ay ang limang libong PCOS machine na gagamitin para sa ARMM elections sa Agosto 2011.
Sinabi ni Melo na nakausap na niya ang joint oversight committee at sang-ayon ang mga ito sa kanilang plano.