MANILA, Philippines - Naghain ng guilty plea si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller Gen. Carlos Garcia sa Sandiganbayan kaugnay ng kinakaharap na kasong indirect bribery.
Gayunman, niliwanag ng panig ng prosekusyon mula sa tanggapan ng Ombudsman na inaasahan na umano nila ang nasabing pag-amin ni Garcia bilang bahagi ng plea bargaining agreement. Itinanggi naman ng mga ito na idetalye ang nasabing kasunduan.
Si Garcia ay nahaharap din sa hiwalay na plunder case kaugnay sa sinasabing pagkamkam nito ng mahigit P302 million habang ito ay nasa serbisyo pa ng AFP.
Magugunitang nagkaroon na umano ng kasunduan si Garcia at ang Ombudsman kung saan aaminin nito ang “lesser offense” at ibabalik ang P50 million sa gobyerno, kapalit ng pagbasura sa plunder case.
Batay sa batas, ang kasong indirect bribery ay may parusang anim na taong pagkakakulong. Sakaling totoo ang mga ulat, maari ng makalaya si Garcia ngayong taon dahil simula pa noong 2004 ay nakakulong na ito.
Bukod kay Garcia, dawit din sa plunder charges ang asawa nitong si Clarita at tatlong anak na sina Ian Carl, Juan Paulo at Timothy Mark.