Kasong administratibo sa mga pulis sa Quirino hostage drama isinampa
MANILA, Philippines - Ipinagharap na ng reklamong administratibo ang ilang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng madugong August 23 hostage taking sa Quirino Grandstand Maynila.
Sa ipinalabas na update ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Leila de Lima, kabilang sa mga ipinagharap ng reklamo ng National Police Commission (Napolcom) sina Supt. Rodolfo Magtibay para sa serious neglect of duty at gross incompetence; Supt. Orlando Yebra para sa serious neglect of duty, serious irregularity in the performance of duty at gross incompetence at Chief Insp. Santiago Pascual na pinananagot dahil sa gross incompetence.
Ang kapatid ng hostage-taker na si SPO2 Gregorio Mendoza ay sinampahan naman ng grave misconduct at serious neglect of duty.
Ang reklamong less grave neglect of duty na isinampa naman laban kay Director Leocadio Santiago ay idinulog sa PNP Internal Affairs Service dahil wala umanong hurisdiksyon sa nasabing paglabag ang Napolcom.
Samantala, hinihingan na rin ng DILG si Manila Mayor Alfredo Lim ng kanyang sagot sa IIRC Report, subalit humingi pa ng dagdag na panahon ang Alkalde sa pagsusumite ng kanyang tugon.
Matatandaan na sa ulat ng IIRC pinuna nito ang umano’y kapabayaan ni Lim bilang pinuno ng local crisis management committee.
- Latest
- Trending