MANILA, Philippines - Isang araw matapos mapawalang-sala ng Supreme Court si Hubert Webb at anim pang akusado sa 1991 Vizconde massacre, iginiit ni Sen. Jinggoy Estrada na dapat magkaroon ng batas na mag-uutos sa gobyerno na bayaran ang mga nabilanggo pero napatunayan na wala namang kasalanan.
Sa Senate Bill 432 na inihain ni Estrada, sinabi nito na dapat itama ng estado ang pagkakamali sa isang indibiduwal na napagkaitan ng hustisya at nakulong pero napatunayang hindi guilty sa ibinibintang na krimen.
Ayon kay Estrada bagaman at nakapiring na babae ang kumakatawan sa justice system ng bansa, hindi maiiwasan na magkaroon ng pagkakamali ang husgado sa pagpapataw ng parusa kaya may nakukulong ng walang kasalanan.
Kung magiging batas, ang Department of Justice ang mangangasiwa sa pagbabayad sa indibiduwal na nakulong pero napatunayan na wala namang kasalanan.
Ibabatay ang monetary compensation sa halaga ng kinikita ng akusado bago siya nabilanggo.