'Vizconde' balak imbestigahan uli
MANILA, Philippines - Handa si Justice Secretary Leila de Lima na atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na muling magsagawa ng re-investigation at hanapin ang mga suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa pamilya ni Lauro Vizconde.
Sinabi ng Kalihim na makikipagkita siya kay NBI Director Magtanggol Gatdula at mga tauhan nito upang pag-usapan kung ano ang tunay na nangyari at kung paano hinawakan ng mga awtoridad ang ebidensya.
Bunsod na rin ito ng panawagan ni Lauro na mahanap ang mga tunay na responsable sa pagpatay sa kaniyang mag-iina noong 1991.
Nilinaw pa ng Kalihim na kahit na pinawalang sala na ng Korte Suprema si Hubert Webb at ang anim pang akusado sa kaso, hindi umano ito nangangahulugan na sarado na ang pagpatay kina Estrellita Vizconde at mga anak nitong sina Carmela at Jennifer.
Sa palagay ni de Lima ay walang maaring magsabi na talagang sarado na ang kaso, maaring sarado ito sa usaping legal subalit sa ngalan ng katotohanan ay kailangan pa ring malaman kung ano ang tunay na nangyari at sino ang tunay na salarin sa krimen.
Handa rin ang Philippine National Police na tulungan si Lauro. Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Raul Bacalzo na itinuturing ng PNP ang kaso na isang ‘open case’ at handa silang makipag-ugnayan sa NBI para sa panibagong imbestigasyon at para hanapin ang mga salarin.
Dalawa pang akusado na sina Joey Filart at Artemio Ventura ang patuloy na nakakalaya. Gemma Garcia/Joy Cantos
- Latest
- Trending