MANILA, Philippines – Pag--aaralan ng Malacanang ang panukalang palayain ang lahat ng detenidong pulitikal sa bansa makaraang iutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbawi sa kaso ng Morong 43.
Sinabi ni Pangulong Aquino pag-aaralan ng kanyang legal team ang panukala ni dating House Speaker Jose de Venecia na palayain na ang lahat ng detenidong pulitikal.
Ayon sa Pangulo, madali lamang sabihin ang pagpapalaya sa mga political detainees subalit dapat munang alamin ang mga magiging epekto nito.
Idinagdag pa ni P-Noy na, kahit pinalaya niya ang Morong 43, wala siyang kautusan sa Armed Forces of the Philipines na humingi ito ng tawad o paumanhin.
Kumontra naman si Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa pahayag ng Malacanang na bukas ito sa panukalang pagbibigay ng general amnesty sa lahat ng mga political prisoners sa bansa.
Ayon kay Sotto, dapat munang pag-isipang mabuti ang nasabing panukala at huwag basta-basta palayain na lamang ang mga political prisoners.
Lumutang ang panukalang general amnesty matapos ipag-utos ng Pangulo ang pagbawi sa kasong isinampa laban sa 43 health workers na inaresto at ikinulong sa Morong, Rizal makaraang mapaghinalaang mga miyembro ng New People’s Army.
Ayon pa sa senador karamihan sa mga political prisoners ay may mga hinaharap ding iba pang kasong kriminal kaya hindi dapat mapasama sa general amnesty sakaling matuloy ito.
Sinabi ni Sotto na baka umano sa susunod ay palayain na lamang ang lahat ng preso sa bansa.
Pero nagbiro rin ang senador na kung mangyayari ito, mas makakatipid ang gobyerno dahil hindi na maglalaan ng pondo para sa pagkain ng mga bilanggo.
Taliwas naman sa posisyon ni Sotto si Senator Loren Legarda na naniniwalang napapanahon na upang palayain ang mga political prisoners.
Samantala, inutos ni Justice Secretary Leila de LIma ang pagbalido sa kaso ng anim sa miyembro ng Morong 43 matapos na sabihin ng AFP na may anim na hindi pa makakalaya dahil may iba pa silang kinakaharap na kaso.
Sinabi ng Kalihim na pinapatingnan na niya kung kasama ng Morong 43 ng sinasabi ng AFP subalit sakaling igawad ng korte ang motion to withdraw ng Department of Justice, ay may bahagi naman sa desisyon ng huwes na subject sa existing rules on disposition ang mga may standing warrant of arrest dahil sa ibang kaso.
Ayon kay de Lima, dalawa sa anim ay na-“validate” na at may ibang kasong kinakaharap tulad ng murder, rape at theft samantalang ang apat dito ay pinapa-double check pa umano ni de Lima.
Sinabi pa ni de Lima na wala nang saysay kung totoong rebelde o hindi ang mga tinaguriang Morong 43 sa naging pagbawi sa kaso laban sa mga ito.
Ipinaliwanag ng kalihim na wala nang saysay para ituloy ang kaso dahil hindi rin magagamit sa korte ang mga ebidensyang nakuha sa pamamagitan ng maling paraan. (Rudy Andal, Malou Escudero at Gemma Amargo-Garcia)