MANILA, Philippines – May 24 tripulanteng Pilipino na naman ang dinukot ng mga pirata habang naglalayag sakay ng isang cargo vessel sa karagatang sakop ng Somalia.
Sa ulat na nakarating sa Department of Foreign Affairs, ang Panamanian-flagged vessed na MV Renuar sakay ang 24 crew na pawang mga Pinoy ay inatake at pinagbabaril saka pinaulanan ng rocket propelled grenade ng mga piratang Somali .
Ayon sa European Union Naval Force (Eunavfor)-Somalia, ang MV Reunar ay isang Liberian owned cargo ship na tumitimbang ng 70,156 tonelada.
Patungo sa Fujairah sa United Arab Emirates mula sa Port Louis sa Maritus ang barko nang harangin ng mga armadong pirata noong Sabado.
Sinubukang umiwas ang kapitan ng cargo ship at mga crew sa pagsalakay ng mga pirata kaya sila pinaulanan ng bala at RPG hanggang sa tuluyang makasampa ang mga pirata sa nasabing barko.
Kinumpirma na patungo na sa pinamumugaran ng mga pirata ang hinarang na barko.
Sa kasalukuyan ay wala pang komunikasyon ang mga naval force na nagpapatrulya sa Indian Ocean sa tinangay na barko at sa kalagayan ng mga crew.
Ang barko ay hinarang sa layong 1,050 nautical miles east ng Somali sa Eyl at may layong 550 nautical miles mula sa karagatan ng India.
Nauna rito, kinumpirma kahapon ng DFA na pinalaya na ng mga Somali pirates ang may 19 tripulanteng Pilipino na dinukot noong Mayo 12, 2010 sakay ng Liberian-flagged at Greek-owned vessel na MV Eleni P.