MANILA, Philippines - Dahil sa kawalan ng abogadong magtatanggol sa kanya, isang Pinay na umano’y biktima ng panggagahasa ang nasentensyahan ng korte sa Saudi Arabia sa kasong adultery.
Ayon sa report, kahapon na-convict ang OFW na itinago sa pangalang Clarissa dahil umano sa hindi pagtugon ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na mabigyan siya ng legal assistance.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East, sa una pa lamang nang humingi ng tulong sa kanila ang mga magulang ni Clarissa ay ipinarating na nila sa Embahada na magbigay ng abogado na magtatanggol sa nasabing OFW.
Gayunman, imbes na paniwalaan umano ng Embahada na ginahasa si Clarissa ay mas pinaniwalaan ng PH consular team na hindi siya hinalay at may relasyon ito sa kanyang kapwa OFW.