MANILA, Philippines - Sinabi ng project manager ng Laguna Lake Rehabilitation Project (LLRP) na tama si Laguna Gov. Jeorge “ER” Ejercito Estregan sa pagpuna sa pambansang pamahalaan sa hindi pagpapatuloy ng dredging projects ng mababaw na lawa.
Iginiit ni Filiep De Zutter, isang civil engineer, na batay sa teknikalidad, hindi pa kanselado ang LLRP dahil ang pamahalaan ay hindi pa gumagawa at nagpapadala ng notice of cancellation para sa kanyang kumpanya, ang Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC).
Ayon kay De Zutter, malaon nang suportado ni Gov. Estregan ang proyekto dahil batid niya na ang mas malalim na Laguna de Bay ay makahahawak ng mas maraming tubig at makakababawas, kundi man makapapawi sa pagbaha sa 15 siyudad at bayan sa lalawigan.
Dahil sa kanselasyong inanunsyo ng Palasyo, wala nang mapagpilian si Estregan kundi ang makipag-usap sa ibang kumpanya na sang-ayong gawin ang proyekto sa apat na bahagdan at magkakahalaga ng P20 bilyon bawat taon, di hamak na mas mahal kaysa sa P18.7-bilyong LLRP na matatapos sa loob lamang ng 850 araw.