MANILA, Philippines - Ipinagtanggol kahapon ng Office of the Solicitor General ang legal team ng Palasyo kasunod ng mga inani nitong pagbatikos dahil sa pagkakabasura ng Korte Suprema sa Truth Commission.
Ayon kay Solicitor General Anselmo Cadiz, hindi makatutulong ang pagbalasa sa legal team ng Malacañang para makumbinsi ang Korte Suprema na baligtarin nito ang desisyon laban sa Executive Order Number 1.
Ginawa ni Cadiz ang pahayag kasunod ng paninisi ng mga kritiko na ang legal team ng Palasyo ang dahilan kaya hindi pinaburan ng Korte ang pagkakabuo sa Truth Commission.
Nanindigan si Cadiz na ang lahat ng nakasaad sa EO-1 ay tama at kahit sinumang pantas ang atasan na humawak niyon ay tiyak na hahanap pa rin ng paraan ang mga tutol sa kautusan para iyon ay ipawalang bisa.
Muli namang iginiit ni Cadiz na maghahain siya ng motion for reconsideration sa SC kapag natanggap na nila ang kopya ng desisyon.
Umapela rin si Cadiz sa mga mahistrado na huwag nang isaalang-alang ang kanilang personal na relasyon kay Pangulong Arroyo sa usapin ng EO-1.
Naniniwala kasi si Cadiz na ang pasya ng Korte ay bayad utang ng mga mahistrado kay Pangulong Arroyo na nag-upo sa kanila sa pwesto.