MANILA, Philippines - Kasabay ng pagdiriwang ng International Human Rights Day, inutusan kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino ang Department of Justice (DOJ) na bawiin ang kasong nakahain laban sa “Morong 43”, ang 43 health workers na hinuli noong Pebrero 6, 2010 sa isang resort sa Morong, Rizal dahil napaghinalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Sa kaniyang talumpati sa ika-62 anibersaryo ng Universal Declaration on Human Rights, sa Heroes Hall ng Malacañang, sinabi ng Pangulo na kinikilala ng gobyerno ang karapatan ng mga mamamayan na mabigyan ng due process na ipinagkait umano sa Morong 43 kaya dapat bawiin ang kasong nakasampa laban sa kanila.
“As a government that is committed to the rule of law and the rights of man, this cannot stand. Therefore, I have ordered the DOJ to withdraw the informations filed before the court,” anang Pangulo.
Pero magkakabisa lamang ang pagbawi sa kaso ng Morong 43 sa sandaling aprubahan ng korte at kung walang ibang kasong kinakaharap ang mga ito.
Bunsod nito, inatasan na ni DOJ Secretary Leila de Lima si Justice Undersecretary Francisco Baraan at ang prosecution general na ihain ang motion for withdrawal sa Lunes.
Anim na kaso ang nakabinbin laban sa 43 health workers, dalawa rito ay nakahain sa Metropolitan Trial Court (MTC) ng Morong at ang apat ay nakasampa sa Morong Regional Trial Court (RTC). Kabilang sa mga kaso ay illegal possession of firearms and explosives.
Sinabi pa ng kalihim na hindi malayong bago mag-Pasko ay makalaya na mula sa bilangguan ang Morong 43.
Kaugnay nito, bukas ang DOJ sa ihahaing reklamo laban sa mga sundalo at pulis na umaresto sa Morong 43.
Sa kabila nito, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta na nirerespeto ng AFP ang kautusan ni PNoy at susundin nila ito, pero nanindigan ang militar na ginawa lamang nito ang tungkulin sa pag-aresto sa Morong 43.
Sinabi pa ni Mabanta na makalaya man, hindi na umano mabubura pa na nahulihan ng mga eksplosibo at mga armas ang Morong 43 kung saan lima sa mga ito ay bumaligtad at umaming mga lehitimong miyembro sila ng NPA. (May ulat ni Joy Cantos)