MANILA, Philippines - Sa kabila ng kakulangan sa multi-bilyong pondo para sa Modernization Program ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tatlong lumang mga barko na panahon pa ng World War II ang pinagretiro na ang operasyon ng Philippine Navy kahapon.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Capt. Giovanni Carlo Bacordo ang PS-23 at P 29; pawang mga patrol ship ay gamit sa Internal Security Operations habang ang Patrol gunboat PG -844 ay pawang sobrang luma na at may 67 taon ng ginagamit ng hukbong dagat.
Ang naturang mga barko ay nakadaong sa Naval Shipyard sa Navy Station Pascual Ledesma sa Cavite City.
Ipinaliwanag naman ng opisyal na ang pagpapatigil sa paggamit ng naturang mga barko ay dahilan sa masyadong magastos ang magmintina ng mga lumang barko na panahon pa ng World War II bukod sa masyado na itong mabagal at maraming depekto.
“They are impossible to maintain due to old age,” ani Bacordo kung saan sa kabuuang 53 patrol ships ay 25 lamang ang maaring magamit sa patrol operation.
Samantalang nabatid naman kay Captain Noel de Vera, Commander ng Naval Shipyard na aabot lamang sa P35- M ang pondo para sa pagmamantine ng may 102 barko ng Philippine Navy kaya’t importanteng maisulong ang modernisasyon ng naturang hukbo.