MANILA, Philippines - Posibleng kinakanlong umano ng maiimpluwensiyang dati at kasalukuyang mga opisyal ng gobyerno ang puganteng si Senador Panfilo Lacson upang matakasan ang pag -aresto laban dito kaugnay ng kontrobersyal na Dacer-Corbito double murder case noong 2000.
Sa isang pulong balitaan, inamin ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III na nahihirapan ang National Bureau of Investigation (NBI) na hanapin at arestuhin si Lacson dahil sa posibleng koneksyon nito sa makakapangyarihang coddlers na pulitiko.
“There are some former and incumbent politicians na baka pinoprotektahan si Senator Lacson”, ayon kay Baraan subalit tumanggi na itong magbigay pa ng detalye matapos ang sunud-sunod na bulilyaso sa raid ng NBI operatives upang dakpin si Ping.
Nauna nang nagbabala ang NBI sa mga personalidad na nagtatago kay Lacson na maari silang masampahan ng kasong ‘obstruction of justice’ sa sandaling mapatunayang kinakanlong si Ping.
Samantala, tiniyak naman ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na hindi bibigyan ng VIP treatment si Ping sa oras na maaresto ito.
“I would like to assure however, our kababayans that even in the events that Sen. Lacson is arrested, he will not be given special treatment only due process of law”, pahayag ng PNP Chief.
Sa kabila nito ay hindi naman matiyak ni Bacalzo kung nakalabas na ng bansa o nagpapalipat-lipat lamang ng Pilipinas sa pagtatago ang may sa palos na si Ping.
Magugunita na naglunsad ng isang kampanya ang Violence Against Crime and Corruption (VACC) para makaipon ng halagang P2 milyon reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makapagtuturo sa pinagtataguan ni Ping na nagmamatigas na sumuko sa batas.