^

Bansa

Administrasyon hihirit pa rin sa SC para sa truth body

- Gemma Amargo-Garcia -

MANILA, Philippines - Maghahain ng apela sa Korte Suprema ang administrasyon kaugnay sa pagdismis nito sa Executive Order No. 1 ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino na nagtatag sa Truth Commission.

Sinabi ni  Solicitor General Joel  Cadiz na abala na sila sa pagbuo ng ihahaing Motion for reconsideration sa Mataas na Hukuman  at tiwala umano sila  na mababaligtad pa ang desisyon ng mga ma­histrado.

Ipinaliwanag ni Cadiz na itutuon nila ang kanilang MR sa pagpapaliwanag sa SC ng kahalagahan at panga­ngailangan sa pagbuo ng investigating body na magsisiyasat sa mga anomalya sa lumipas na administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Inihalimbawa pa ni Cadiz na ang mga  nakaraang administrasyon ay malayang napaimbestigahan ang mga nakaraang  presidente tulad umano ni Arroyo na  nagpaimbestiga kontra kay dating Pangulong Joseph Estrada habang si Estrada  naman ay nagpasiyasat din laban naman kay dating Pa­ngulong Fidel Ramos.

Nakapagtataka anya na ngayong natapos na ang termino ni Arroyo ay hinaharang naman na maimbestigahan ito.

Ang kontrobersiyal na EO1 na inisyu ni Aquino ay naging dagok din sa administrasyon matapos itong ideklarang labag sa batas ng SC dahil na rin sa paglabag sa Equal Protection Clause ng Konstitusyon dahil sa initsapuwera lamang umano nito si Arroyo na kasalukuyang kongresista ng Pampanga at ang mandato ng komisyon ay umuulit lamang sa trabaho ng Office of the Ombudsman.

Hindi naitago ni Justice Secretary Leila de Lima ang pagkadismaya sa pagdedeklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang Truth Commission.

Sinabi ni de Lima na ang pinuhunan ni Arroyo sa Office of the Ombudsman at sa Mataas na hukuman ay bumabalik na dito dahil palaging ibinabasura ang hakbang ng ehekutibo na itama ang hustisya at pang-aabuso ng nakaraang administrasyon at pagbayarin ang mga may sala.

Iginiit pa ni de Lima na, sa pagbasura ng Korte Suprema sa Truth Commission, nagpapa­kita lamang ito ng “cha­racteristics of a political decision”.

Ipinaliwanag pa ng Kalihim na ang botohan sa Mataas na Hukuman ay maari nang hulaan dahil, sa 15 Mahistrado, tanging si Associate Justice Maria Lourdes Sereno lamang ang itinalaga ni Pangulong Aquino at isa rin ito sa limang mahistrado na tumutol sa nasabing desisyon.

Inamin naman ni de Lima na mayroong butas sa Konstitusyon at ito ang nanaig kaya nakapagtalaga si Arroyo ng maraming mahistrado sa Mataas na Hukuman.

AQUINO

ASSOCIATE JUSTICE MARIA LOURDES SERENO

CADIZ

EQUAL PROTECTION CLAUSE

HUKUMAN

KORTE SUPREMA

MATAAS

OFFICE OF THE OMBUDSMAN

TRUTH COMMISSION

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with