MANILA, Philippines - Ibinunyag ng National Press Club of the Philippines ang umano’y P150 milyong bribe money para sa pagtakas ni Mayor Andal Ampatuan at iba pang akusado sa Maguindanao massacre na kasalukuyang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bicutan, Taguig, Metro Manila.
Ayon kay NPC President Jerry S. Yap, may impormasyon silang nakuha na itatakas sa anuman paraan ang mga akusado bago pa ang 1st anniversary ng Maguindanao massacre.
Inatasan ni Yap si NPC director Joel Egco, chairman ng Press Freedom Committee ng NPC, na makipag-ugnayan kay BJMP Director Rosendo Deal para alamin ang nasabing impormasyon.
Kinumpirma ni Deal kay Egco, ang nasabing escape plan at ang umano’y P150 million bribe money.
Ayon kay Egco, may offer umanong P50 million bribe money sa isang Col. Moral na BJMP jail warden pa noon. May paunang bayad na P10 milyon ang iniaalok dito basta pumayag lamang sa plano at kung magtatagumpay ang nasabing operasyon ay agad siyang babayaran pa ng P40 million.
Ang natitirang P100 milllion ay paghahatian na lamang umano ng iba pang opisyal na makukumbinsi sa pagtakas ng mga Ampatuan.
Ayon kay Egco, hindi tinanggap ni Moral ang pera at personal na hiniling kay Deal na tanggalin na siya bilang jail warden dahil hindi umano nito matanggap ang pressure.
Sinabi ni Egco, dahil sa pangyayaring ito inalis ni Deal si Moral at mahigpit na ipinag-utos sa kanyang mga tauhan na lagyan ng anumang uri ng mga materiales ang top roof ng kulungan ng mga Ampatuan para hindi magamit sa pagtakas.
Ayon kay Egco, hindi lingid kina Justice Secretary Leila de Lima, Interior Secretary Jesse Robredo at Philippine National Police Chief Raul Bacalzo ang impormasyon dahil nagsumite ng intel report si Deal sa mga ito.
Matatandaan na inakusahan at nakakulong ngayon ang mga suspek sa Maguindanao massacre kung saan 58 ang sinasabing pinatay nila kabilang ang may 34 mamamahayag.