MANILA, Philippines - Pinagtibay na kahapon ng Senado ang amnesty proclamation ni Pangulong Aquino na naglalayong mapalaya ang mga sundalo at pulis na nasangkot sa tatlong bigong kudeta laban sa dating administrasyon kung saan isa sa makikinabang si Senator Antonio Trillanes IV.
Sa botong 14 kontra isa (1) at isa (1) ring abstention, pinagtibay ng mga senador ang amnesty proclamation na nakapaloob sa Senate Resolution No. 4.
Tanging si Senator Joker Arroyo ang kumontra sa pagpapatibay ng proklamasyon samantalang nag-abstain naman si Senator Gregorio “Gringo” Honasan na nadawit rin ang pangalan sa bigong kudeta.
Maituturing umanong “greatest Christmas gift” para sa mga nakabilanggong sundalo at pamilya ng mga ito ang pagkatig ng mga senador sa proclamation.