CPP-NPA nagdeklara na rin ng ceasefire
MANILA, Philippines - Nagdeklara na rin kahapon ng 18 araw na ceasefire ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front bilang pagbibigay diwa sa nalalapit na kapaskuhan.
Sa isang press statement ng CPP-NPA-NDF Central Committee, ipinag-utos nito sa lahat ng commands at units ng NPA sa kanilang mga balwarteng teritoryo sa buong bansa na obserbahan ang ceasefire o tigil putukan.
Tulad ng idineklara ng pamahalaan, ang ceasefire ng NPA ay mag-uumpisa dakong ala-12 ng madaling araw sa Disyembre 16 at magtatapos alas-11:59 ng gabi sa Enero 3, 2011.
Binawalan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang lahat ng commands at units nito na huwag magsasagawa ng anumang opensibang operasyon laban sa tropa ng AFP, PNP at maging sa mga paramilitary forces ng Government Republic of the Philippines (GRP).
Binawalan rin ang mga rebelde sa pag-aresto o pagkidnap laban sa AFP at PNP personnel habang umiiral ang tigil putukan.
- Latest
- Trending