Kaso vs GMA tuloy - Malacañang
MANILA, Philippines - Tuloy pa rin ang mga kasong katiwalian na kinasasangkutan ni dating Pangulong Gloria Arroyo kahit pa ibinasura ng Korte Suprema ang pagkakatatag sa Truth Commission.
Ayon kay Executive Secretary Paquino Ochoa Jr., ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi nangangahulugan na ligtas na sa anumang kaso ang dating Pangulo dahil maaari naman umanong imbestigahan ang mga sinasabing anomalyang kinasasangkutan nito sa pamamagitan ng DOJ o ng Office of the Ombudsman.
Balak din ng Malacañang na maghain ng motion for reconsideration at gumawa ng ibang paraan upang ituloy ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni DOJ Undersecretary Francisco Baraan na maaari pa ring lumusot ang legalidad ng Truth Commission sa pamamagitan ng pag-amyenda sa nilalaman ng Executive Order Number 1.
Isa umanong opsyon ay ang pagbabago sa mga kinukwestyong bahagi ng EO upang tumugma sa pamantayang hinihingi ng Korte Suprema.
Makikipagtulungan rin umano ang DOJ sa Malacañang sa pagbalangkas ng motion for reconsideration na ihahain nito sa SC ukol sa nasabing kaso. (Malou Escudero/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending