MANILA, Philippines - Hindi umano prayoridad ng pamahalaan ang paghahanap at pagdakip sa puganteng si Sen.Panfilo Lacson matapos na sabihin kamakailan ni Pangulong Noynoy Aquino na walang pondo para sa ikadarakip nito.
Bunsod nito, kinuwestiyon ni Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo kung ano ba ang tuwid na daan na sinasabi ng Pangulo.
Ayon kay Arroyo na tila hindi naiintindihan ng pangulo kung bakit kailangang madakip agad si Lacson o sadya itong ayaw intindihin sapagkat kaalyado nito ang senador. ?
Idinagdag pa ni Arroyo na si Lacson ay hindi ordinaryong wanted sa umano’y pagpatay kina PR man Bubby Dacer at sa driver nitong si Manuel Corbito.
Sa pagtatago ni Lacson ay patuloy na sinisira nito ang imahe ng isang mambabatas at nagmumukhang inutil ang gobyerno dahil hindi siya makita at kataka-takang hindi pa rin siya itinuturong prayoridad ng pamahalaan.
Isa rin umanong malaking kalokohan, kundi man kaipokrituhan nang sabihin na walang sapat na pondo sa panukalang P2 milyong pabuya sa ikadarakip ni Lacson, gayung ilampung milyong piso ang ibinigay na budget sa Truth Commission para siyasating muli ang mga matagal nang nadesisyunang akusasayon laban sa Arroyo administration.