MANILA, Philippines - Naniniwala ang abogado ng isa sa pangunahing testigo sa Dacer-Corbito double murder case na binibigyan ng proteksiyon ni Interior and Local Government Secretary Jessie Robredo si dating Senador Panfilo “Ping” Lacson para hindi maaresto ng mga awtoridad.
Ang pahayag ay ginawa ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng testigong si dating P/Supt.Cesar Mancao, sa pulong balitaan sa Tinapayan sa Bustillos matapos nitong alisin ang P2 milyon reward na nakapatong sa ulo ng Senador.
Sinabi ni Topacio na hindi niya maintindihan ang dahilan ni Robredo na manganganib ang buhay ng taong magtuturo kung nasaan si Lacson dahil “impormasyon” lang naman ang ibibigay nito at hindi siya ang huhuli.
Sanhi nito, kung hindi ibabalik ang patong sa ulo ni Lacson, ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ay mananawagan para sa isang “fund raising”upang makalikom ng P2 milyon pang-“bounty”sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Lacson.
Pinuna rin ni Topacio ang integridad ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghuli kay Lacson dahil dating boss ni NBI Director Magtanggol Gatdula ang senador.