MANILA, Philippines - Hindi sakop ng ipinatutupad na ceasefire ang bandidong Abu-Sayaff.
Ito ang nilinaw kahapon ni Brig. Gen. Jose Mabanta Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), dahil kinonsidera umano ng pamahalaan ang Abu Sayyaf na teroristang grupo na dapat puksain.
“Yung Abu Sayyaf hindi pwede talaga. These are dreaded terrorists. Ultimately, neutralization ang ipinapatupad dito,” ayon kay Mabanta.
Ang Abu Sayyaf na nakipagkasundo sa international terrorist group Al-Qaeda ay nasangkot sa serye ng pagdukot sa Mindanao.
Nauna nang ipinahayag ng Malacañang ang 19-day Christmas truce sa komunistang NPA mula Dec. 16 hanggang Jan. 3, ang pinakamatagal na pahinga ng labanan sa loob ng 10 taon.
Umaasa ang AFP na ang tigil putukan ay magbibigay daan sa isang kasunduang pangkapayapaan.
Patungkol naman sa MILF, sinabi ng opisyal na mayroon ng ceasefire na ipinapatupad ang pamahalaan dito.