Malacañang kabado sa idineklarang ceasefire: NPA magpapalakas!

MANILA, Philippines –  Umaasa ang Malacañang na hindi gagamitin ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa pagpapalakas ng puwersa at pagkuha ng mga bagong miyembro ang 19 na araw na ceasefire para sa paggunita ng Kapaskuhan.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokeswoman Abigail Valte na sana’y hindi gamitin ng CPP-NPA ang tigil-putukan para sa kaniyang pang-sariling agenda.

Nagkasundo ang gob­yerno at ang CPP-NPA na magpatupad ng ceasefire na magsisimula sa Disyembre 16 hanggang Enero 3.

Sinabi ni Valte na maa­yos ang naging pag-uusap ng dalawang panig para sa 19 na araw na ceasefire at umaasa silang walang magsasamantala dito.

Ito na umano ang pi­nakamatagal na ceasefire sa CPP-NPA sa nakalipas na 10 taon.

Nauna nang inihayag ng Palasyo kamakalawa na sa Pebrero ng susunod na taon gagawin ang usapang pangkapayapaan.

Inihayag din ni Valte na tinanggal na ang hold-departure order kay Luis Jalandoni, ang chief negotiator ng National Democratic Front.

Wika ni Valte na buo ang pag-asa ng Malacañang na magiging seryoso ang makakaliwang grupo sa gagawing peace talks at titiyakin umano ng gobyerno na walang malalabag na batas sa gagawing pag-uusap.

Sa kabila nito, inalerto na kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Ricardo David ang tropa ng militar laban sa posibleng paglulunsad ng mga pag-atake ng NPA.

“Don’t let your guard down,” mensahe ni David sa pagbisita nito sa himpilan ng AFP-Northern Luzon Command sa Camp Servillano Aquino, Tarlac City.

Ayon kay David, hindi lulusob ang tropa ng mga sundalo sa mga pinagkukutaan ng mga rebelde sa kabundukan manapa’y lalaban at magdedepensa lamang ang mga ito sa oras na inatake ng komunistang grupo.

Ang ceasefire ay ipa­tutupad upang mabigyan ng pagkakataon ang mga rebelde na magsibaba sa kabundukan at bisitahin ang kanilang mga pamil­ya ngayong kapaskuhan. (May ulat ni Joy Cantos)

Show comments