Warrant of arrest pinagtibay, apela ni Lacson binasura ng CA
MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Court of Appeals (CA) ang apela ni Senador Panfilo Lacson na baliktarin ang findings ng Manila City Regional Trial Court (RTC) branch 18 na may sapat na basehan upang isulong ang pag-aresto sa kanya kaugnay pa rin sa pagpatay sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.
Sa desisyon ng CA 6th division, binasura nito ang petition ni Lacson dahil sa forum shopping o pagsasampa ng kaugnay sa kaso sa ibat-ibang korte.
Iginiit ng Appellate court na hindi tama na habang mayroong nakabinbing apela ang senador sa Manila court ay maghahain din ito ng katulad na petition sa CA. Binalewala din ng CA ang kahilingan ni Lacson na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) upang ipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya.
Nauna nang sinabi ng abogado ni Lacson na si Atty. Alexander Poblador na ang findings ng mababang hukuman na mayroong probable cause laban sa senador ay base lamang sa February 13, 2009 affidavit ni Cezar Mancao.
Nakasaad sa affidavit na narinig ni Mancao si Michael Ray Aquino at Lacson habang nasa loob ng sasakyan na pinag-uusapan ang planong pag-”neutralize” kay Dacer taliwas naman umano sa testimonya ng una na may petsang Nob.11, 2010.
Giit ni Poblador, ang komento ni Mancao na may petsang Nob. 11, 2010 ay taliwas sa nauna nitong sinabi na nalaman niya ang nasabing insidente matapos na ang ginawang krimen.
Ang pag-amin ni Mancao ay consistent umano sa testimonya ng isa pang prosecution witness na si Glenn Dumlao na nagpatunay na walang alam ang una sa lahat ng plano.
- Latest
- Trending