MANILA, Philippines - Hiniling kahapon sa Korte Suprema ni Hubert Webb, ang pangunahing akusado sa Vizconde massacre na i-cite for contempt ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkawala ng semen specimen nito.
Pinapa-contempt ni Webb sina NBI Director Magtanggol Gatdula, dating NBI director Carlos Caabay, dating NBI director Nestor Mantaring, Dr. Renato Bautista, Dr. Prospero Cabayanan, Atty. Florescto Arizala Jr., Atty. Reynaldo Esmeralda, Atty. Arturo Figueras, Atty. Pedro Rivera at Mr. John Herra.
Sa 60 pahinang petition, hiniling nito na makulong sina Gatdula, Bautista, Cabayanan, Arizala at Esmeralda habang hindi sumusunod ang mga nabanggit sa April 20, 2010 na kautusan ng Korte Suprema na ilabas and DNA analysis ng semen specimen ni Webb na ipinagkatiwala sa kanila.
Base pa sa petition, nabigo si Gatdula na ipatupad ang direct supervision at pag-iingat sa semen specimen na ipinagkatiwala sa NBI noon pang 1997 hanggang kasalukuyan habang si Bautista na isang medico legal officer III ang nag-isyu ng certification na ang slides ay nasa kustodiya pa ng NBI na kinalaunan ay pinabulaanan naman.
Si Dr. Cabayanan na dating Chief Medico Legal division ay nabigo namang dalhin ang slides na naglalaman ng semen specimen sa hearing noong Pebrero 6,1996 at dahil sa pagsisinungaling nito na dinala na niya ang slides sa korte.
Sina Figueras at Rivera naman ang mga umano’y nagturo sa testigong si Jessica Alfaro sa mga ilalagay sa ikalawang affidavit nito kaya siya naging star witness sa kaso.
Dawit din sina Mantaring at Caabay dahil sa kabiguan ng mga ito na magampanan ng maayos ang kanilang trabaho na pangalagaan ang semen specimen.