Relasyon ng PH sa EU 'magkakalamat'
MANILA, Philippines – Pinangangambahang magkaroon ng masamang epekto sa relasyon ng Pilipinas at European Union (EU) ang pagbasura sa P18.7-bilyong Laguna Lake Rehabilitation Project (LLRP).
Bagama’t umaasa pa rin si Belgian Ambassador Christian Meerschman na maisasalba pa ang proyekto, sinabi nito na nakipag-usap siya kay Finance Secretary Cesar Purisima ukol sa isyu at sinabihang kinansela na ni Pangulong Aquino ang proyekto ilang buwan na ang nakalilipas ng walang pormal na notice sa Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC), ang kumpanyang kinontrata para sa dredging ng 94,900-ektaryang lawa.
Ang kanselasyon ay sinalubong ng pag-angal ng bansang Belgium at European Union (EU), at lumutang ang mga agam-agam sa pagiging seryoso ng pamahalaang Aquino sa pagpasok sa mga kasunduan at pagpapatupad ng mga balidong kontrata.
Ang Belgium ang kasalukuyang pangulo ng EU.
Nabatid na tinanong na ng mga stockholders ng BDC si Dimitry Detilleux, BDC North Asia area manger, samantalang ang Fortis-BNP Paribas, ang bangkong nag-package ng loan, ay naghihintay sa pormal na implementasyon ng proyekto.
Maging ang mga miyembro ng European Chamber of the Commerce in the Philippines (ECCP) at ng American Chamber of Commerce ay nagtatanong na rin umano ukol sa kaso.
- Latest
- Trending