MANILA, Philippines – Dahil sa patuloy na pagkalat sa mga pamilihan ng mga double dead na karne lalo na sa Metro Manila, isinusulong na sa Senado ang panukalang patawan ng parusang anim hanggang 12 taong pagkabilanggo sa mga mahuhuli.
Sa Senate Bill 2612 na inihain ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, nais din nitong pagmultahin ng hindi bababa sa P50,000 pero hindi lalampas sa P200,000 ang mga mahuhuling nagbebenta ng double dead na karne o botcha.
Kung ang responsable ay korporasyon at pribadong kompanya, kasamang pananagutin ang presidente o manager o sinumang tauhan na may direktang kinalaman sa panloloko sa mga mamimili.
Papatawan din ng parusa ang tauhan ng National Meat Inspection na magpapalusot ng mga hindi ligtas na karne.
Sa kasalukuyang batas, kinukumpiska lamang ang karne na bagsak ang kalidad at kinakansela ang lisensiya ng meat dealer.
Anya, dapat magkaroon ng mabigat na parusa para sa mga nagbebenta ng botcha dahil inilalagay ng mga ito sa panganib ang buhay at kalusugan ng publiko.