Fil-Am soldier utas sa bakbakan sa Afghanistan
MANILA, Philippines – Isang 19-anyos na Filipino-American soldier na kabilang sa United States Marines ang nasawi sa isang combat sa Afghanistan noong nakaraang linggo.
Sa report ng US Department of Defense na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), napatay si US Marine Lance Cpl. Arden Joseph A. Buenagua, ng San Jose, California habang kasagsagan ng combat operations ng US Marine sa Helmand province sa Afghanistan noong Nobyembre 24.
Bago nasabak si Buenaga sa Afghanistan ay naitalaga siya sa 1st Combat Engineer Battalion, 1st Marine Division, Marine Expeditionary Force sa Cap Pendleton, California makaraan siyang magtapos ng sekondarya at saka nag-sundalo.
Ang kanyang ina na si Marivic Ayuson Trinidad ay isang Pinay at tubong Marikina City na nagtapos sa UST noong 1985.
Hindi ang naturang sundalo ang kauna-unahang Fil-Am US Marine na napatay sa Afghanistan.
Una nang nasawi noong Hulyo 2010 si Cpl. Dave Michael Maliksi Santos, 21, tubong Cavite, matapos na saksakin ng kaniyang kapwa sundalo.
Bunga ng patuloy na karahasan sa Afghanistan, sinabi ng DFA na nananatili ang pagpapatupad ng pamahalaan sa pagbabawal ng pagpapadala ng mga OFW sa nasabing bansa. Pinasimulan ang ban noong 2007. (Ellen Fernando/Mer Layson)
- Latest
- Trending