MANILA, Philippines – Walang balak sumuko si Senator Panfilo “Ping” Lacson kahit pa naglaan ang gobyerno ng malaking halaga para sa kaniyang ikadarakip.
Ito ang nilinaw kahapon ng abogado ni Lacson na si Atty. Alex Poblador matapos mapaulat na inaprubahan ni Justice Secretary Leila de Lima ang paglalaan ng P2 milyong reward para sa makakapagturo nang pinagtataguan ng senador.
Ayon kay Poblador, matagal nang inihayag ni Lacson na hindi siya lalantad hanggat hindi binabawi ang warrant of arrest laban sa kaniya.
“What I understand he will not allow himself to be arrested and detained for a crime which he did not commit, so even if there is a bounty I doubt if he will surface,” pahayag ni Poblador sa phone interview.
Sinabi ni Poblador na ang pamilya ni Lacson ang nagparating sa kaniya na walang balak na lumantad ang senador hangga’t may warrant of arrest.
Pero kung babawiin umano ng korte ang warrant of arrest at magsasagawa ulit ng imbestigasyon sa kaniyang kaso ay lalantad ang senador.
Pero pinayuhan rin umano ni Poblador si Lacson bilang abogado nito na irespeto ang legal na proseso.
“My standing advise to him, judicial o legal process must be respected...but he has already made up his mind I doubt if I can’t change his mind,” ani Poblador.
Tiyak din aniyang hindi makakaapekto sa desisyon ng senador ang P2 milyong bounty na nakapatong sa kaniyang ulo.
Si Lacson ang itinuturong mastermind sa pagpaslang kina PR man Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.