MANILA, Philippines – Dismayado si Caloocan City Rep. Mitch Cajayon (2nd District) sa naging aksyon ng kanyang kapwa mambabatas matapos na hindi makalusot sa House committee on local government na pinamumunuan ni Negros Oriental Rep. George Arnaiz (2nd District) ang kanyang House Bill 3646 na naglalayong madagdagan ng tatlo pa bukod sa kasalukuyang dalawang legislative districts ang kanyang lungsod.
Sa kanyang panukala, magiging malaking kapakinabangan sana sa mga residente ang madagdagan o maging lima ang congressional districts sa Caloocan dahil malinaw na mas malaking pondo o tinatawag na Countryside Development Fund (CDF) ang matatanggap.
“Kung ang lungsod ng Maynila na wala pang 1.5-million na bilang ng populasyon ay may anim na distrito, bakit hindi ang Caloocan na may sapat na bilang ng tao at lima lang ang hinihinging maging distrito?” giit ng dating Binibining Caloocan.?
Sa committee deliberation, mas nanaig ang panukala ni Caloocan Rep. Oscar Malapitan kung saan ay hinihingi nito na mahati sa tatlo ang kanyang distrito samantalang walang gagalawin sa kasalukuyang distrito ni Cajayon.?
Paliwanag ni Cajayon, hindi masama kung magalaw o maapektuhan ang distrito ng kasama niyang mambabatas kung hinihingi ng pagkakataon upang ganap nang maiayos o maging “compact, contiguous and adjacent territory” ang lungsod na sinasaad ng Batas.