MANILA, Philippines - Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na matagal nang nasa hukay ang spokesman ng New People’s Army (NPA) na si Gregorio “Ka Roger” Rosal na nakabase sa Southern Tagalog.
Ayon kay Lt. Gen. Ronald Detabali, AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) chief, bukod sa intelligence report ay kinumpirma din ng mga sumukong NPA sa rehiyon na matagal ng patay si Ka Roger.
Unang napabalita na patay na ang spokesman ng NPA noong 2007 dahil sa sakit nito at dumanas daw ng stroke pero itinanggi ito ng NPA sa kanilang website matapos mabigo ang military na mahukay ang bangkay ng tagapagsalita ng armed group ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Kahapon ay muling kumalat ang balitang patay na ang matagal nang maysakit na si Ka Roger hanggang sa kumpirmahin ito ng SOLCOM chief.
“May intelligence report kasi na matagal ng patay (Ka Roger), he expired while being transported out of the hospital“, wika pa ni Detabali.
Idinagdag pa ng AFP SOLCOM chief, ang pagiging tahimik ni Ka Roger sa ibat ibang isyu at hindi pagpapa-interview sa mga radyo ay patunay na patay na nga ang spokesman ng NPA.
Naging negatibo din ang presensiya ni Ka Roger sa mga balwarte nito na mino-monitor din ng intelligence unit ng AFP.
Humina naman ng husto ang puwersa ng NPA sa Southern Tagalog kung saan ay tinatayang bumaba ito ng 49 percent.