MANILA, Philippines - Kinondena ni Manila 1st District Councilor Dennis B. Alcoreza ang First Philippine Industrial Corporation (FPIC) sa kawalang aksiyon sa kinahinatnan ng mga residente ng West Tower Condominium na naapektuhan ng pagtagas ng tubo ng langis sa Osmena Highway, Barangay Bangkal, Makati City.
“Umalis na ang mga residente ng gusali mula sa kanilang condominium units sa pangamba sa kanilang buhay at kaligtasan at namumuhay na wala ang kaginhawaan sa naging tahanan nila sa loob ng maraming taon,” ayon kay Coun. Alcoreza.
“Ang dislokasyong ito ay may masamang epekto hindi lamang sa pinansiyal kundi maging sa sikolohikal na aspeto ng mga residente,” wika pa ni Alcoreza.
Nagbanta rin si Alcoreza na hindi lamang sa Makati puwedeng makapinsala ang mga tubo ng FPIC na nagsimula sa Batangas hanggang sa Pandacan, Maynila na kinaroroonan ng oil depots ng Shell, Chevron at Petron.
Noong 2008, nagdesisyon ang Supreme Court (SC) na ilipat ang oil depots na lubhang mapanganib sa mga residente ng Pandacan ngunit mabilisang nagpasa ng ordinansa ang Konseho ng Maynila na pumapayag sa pananatili ng oil depots sa Pandacan na malinaw na pagsuway sa utos ng SC.
Kabilang si Alcoreza sa mga lumaban para ilipat ang oil depots sa labas ng Metro Manila.