MANILA, Philippines - Hindi umano nasabihan ng Malacañang si Belgian Ambassador Christian Meerschman ukol sa kanselasyon ng P18.7-bilyong Laguna Lake Rehabilitation Project (LLRP) na isinasagawa ng Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC), na taliwas sa sinasabi ng Palasyo na sinabihan ang Belgian Embassy ukol sa pagbasura sa proyekto.
Sinabi ni Meerschman na suportado ng pamahalaan ng Belgium ang BDC at ang proyektong isinasagawa nito upang ibalik ang ecological integrity ng 94,900-ektaryang Laguna de Bay.
Ipinaliwanag ni Meerschman na umaasa pa din siya na mareresolba ang usapin matapos ang kanyang pakikipag-usap kay Finance Secretary Cesar Purisima, kung saan idiniin niya ang kahalagahan ng proyekto at ang commitment ng pamahalaan ng Belgium na suportahan ito.
Sa naturan ding forum, tahasang pinabulaanan ni BDC area manager for North Asia Dimitry Detilleux ang alegasyon ng ilang kampo na sinuhulan ng kumpanya ang ilang opisyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Detilleux na nakasandal ang BDC sa 150 taon nitong karanasan sa dredging at hindi ikokompromiso ang reputasyon nito sa pagbabayad sa mga opisyal upang maisagawa lamang ang proyekto.
Ayon naman kay dating senador Francisco “Kit” Tatad, ang kanselasyon ng proyekto ay “unacceptable” dahil ito ay “valid” at tatlong beses na pinagtibay ng Department of Justice (DoJ).
Idinagdag niya na ang usapin ay dapat talakayin ng pamahalaan ng Belgium at ng DFA.