MANILA, Philippines - Magpapadala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng portable toilets sa mga biktima ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Nagpasya ang departamento na magpadala ng mga portable toilet sa mga evacuation center matapos umabot sa kanilang kaalaman na nagrereklamo na ang mga nasa evacuation center sa Irosin dahil sa iilang palikuran lamang ang kanilang nagagamit at hindi sapat sa dami ng mga gumagamit.
Umaabot naman sa P400,000 halaga ng mga ready-to-eat food packs ang kanilang naibigay na sa limang evacuation centers sa Sorsogon bukod sa mga kumot at mga banig.
Masusi naman nakikipag-ugnayan ang mga tauhan ng DSWD sa Provincial Disaster Coordinating Council at iba pang local official upang malaman pa ang mga kailangan sa mga evacuation center at upang maging mabilis ang pagbibigay ng mga tulong sa mga biktima ng bulkan.
Samantala, matapos rumagasa ang lahar sa ilang barangay, naging normal naman ang kilos kahapon ng bulkang Bulusan matapos na magtala lamang ito ng tatlong pagyanig sa loob ng 24 na oras.