MANILA, Philippines - Wala umanong ipinaiiral na deployment ban ang pamahalaan laban sa South Korea sa kabila ng gulong nagaganap sa Korean Peninsula.
Ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz, may 55 OFW na paalis sana ngayong Nobyembre 30 subalit ipinagpaliban ang biyahe sa Disyembre 7 bilang bahagi ng “caution and prudence.”
Wala rin naman aniyang kautusan si Pangulong Aquino para sa pagpapatupad ng deployment ban.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte na nagkaroon lamang ng confusion o pagkalito sa kanyang naging pahayag na deployment ban. Ang pansamantalang ban ay epektibo lamang umano ng pitong araw o isang linggo kung saan naapektuhan at napigil ang 55 OFWs na patungo na sana sa Seoul.
Sa report naman ni special envoy ret. Gen. Roy Cimatu sa DFA at nasa Seoul ngayon na walang dapat ikabahala sa pagpapadala ng mga OFWs dahil normal pa ang sitwasyon sa Sokor. Aniya, nananatiling nasa alert level 1 ang Sokor na maituturing na hindi pa delikado.
Sinabi ni Cimatu na inikot nila ang Seoul at nakitang normal ang sitwasyon, walang putukan at hindi rin nagdeklara ang Sokor government ng “state of emergency”.
Kahapon ay itinuloy na rin ang joint war games exercise ng United States at South Korean military na sinalihan ng USS George Washington nuclear-powered aircraft sa Yellow Sea.
Bunga nito, hinihintay na ng Sokor at buong mundo ang magiging reaksyon o ganti ng Nokor matapos magbabala ang Nokor na magsasagawa sila ng panibagong pag-atake o maglulunsad ng giyera sa Sokor kapag itinuloy ang nasabing war games exercise.