550 trabahador sisibakin sa pagkansela sa Laguna Lake project

MANILA, Philippines - May 550 trabahador na kinontrata para sa Laguna Lake Rehabilitation Project (LLRP) ang nakatakdang sibakin sa trabaho matapos kanselahin ng gobyernong Aquino ang P18.7 bilyong proyekto.

Sinabi sa Kapihan sa Sulo sa Quezon City kahapon ni Dimitry Detilleux, Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC) area manager for North Asia, bilang resulta ng kanselasyon wala anyang magawa ang BDC kundi tanggalin sa trabaho ang mga manggagawa. 

Mula anya nang manungkulan si Aquino noong Hulyo ay hindi nagkaroon ng pagkakataon ang BDC na makausap si Secretary Ramon Paje o sinumang opisyal ng DENR.

Hindi rin umano nagkaroon ng pakikipag-ugnayan ang DENR sa BDC ukol sa proyekto.

Giit ni Detilleux, ang BDC ay nag-o-operate sa buong daigdig at may 4,000 empleyado, 15 porsyento ay mga Pilipino at nakatanggap pa ng premyo mula sa pamahalaan ng Pilipinas bilang outstanding employer.

Ipinaghihinagpis ni Detilleux na kinansela ang proyekto sa pamamagitan ng isang press release ng Palasyo kahit na natapos ng BDC ang Pasig River Rehabilitation Project dalawang buwan una sa schedule.

Paliwanag niya, ang LLRP ay pinlano at dinebelop upang makamit ang tatlong layunin na DENR mismo ang nag-outline-- flood control, karagdagang water holding capacity at mass transit system.

Gayunpaman, interesado pa din ang BDC sa flood control projects para sa Iloilo River, Cagayan River at Marikina River at inulit ang kanilang kahandaan na ipagpatuloy ang proyekto na popondohan ng pamahalaan ng Belgium. 

Show comments