MANILA, Philippines - Apektado na ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bisinidad ng nag-aalburutong Mt. Bulusan sa Sorsogon.
Ayon sa Department of Education, nagpapatupad na ngayon ng “shifting schedule” ang mga paaralan sa bayan ng Irosin kabilang na ang Gallanosa National High School dahil sa ginawang evacuation area ang higit sa pitong silid-aralan nito ng mga residenteng apektado ng lahar flow at nasa danger zone.
Ang iba pang paaralan na nagpapatupad ng shifting schedule ay ang Cogon Elem. School, Bolos Elem. School, Guruyan School at Sangkayan School.
Hirap naman ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral dahil sa nalalanghap na abo na ibinubuga ng bulkan. Dahil dito, namigay na ng 4,000 face masks ang mga lokal na pamahalaan upang magamit ng mga guro at mag-aaral habang nagka-klase.
Sinabi ng DepEd na pipilitin pa rin nilang mairaos ang klase sa mga paaralan sa paligid ng bulkan upang hindi masakripisyo ang pag-aaral ng mga estudyante.