32 OFWs inaresto sa Saudi
MANILA, Philippines - Umaabot sa 32 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakakulong ngayon sa Alkhobar, Saudi Arabia matapos na maaresto sa isinagawang raid ng mga local na awtoridad doon laban sa mga overstaying migrant workers noong Miyerkules.
Sa ulat ni Philippine Embassy Charge d’Affaires Ezzedin Tago, na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa mga villa at flat sa Thuqba area sa Alkhobar, kung saan naaresto ang mga manggagawang Pinoy.
Lumilitaw na 26 sa 32 OFWs na naaresto ay pawang mga babae.
May mga ulat naman na nagsasabing hindi isinagawa ang raid dahil sa crackdown ng pamahalaan laban sa mga runaway na OFWs, kundi batay umano sa “tip” ng iba pang OFWs na may sigalot sa mga naaresto.
Tiniyak naman ni Tago na masusi na silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matukoy kung ano ang kasong kinakaharap ng mga inaresto.
Gagawin aniya nila ang lahat upang matulungan at mapauwi na lamang sa bansa ang mga naarestong OFWs.
Umapela naman ang grupong Migrante–Middle East sa Saudi Government na respetuhin ang karapatan ng mga OFWs.
Nanawagan din ito na ikonsidera ang pagbibigay ng general amnesty sa mga illegal at undocumented migrant workers. (Mer Layson/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending