MANILA, Philippines – Hindi na umano kailangang magbitiw sa puwesto si Department of Tourism (DOT) Secretary Alberto Lim at sa halip ay ipinasa na lamang nito ang sisi sa nag-resign niyang undersecretary dahil sa kapalpakan na dulot ng tourism slogan nito na “Pilipinas kay Ganda”.
Sinabi ni Lim sa interview, na hindi na niya kailangan pang magbitiw sa puwesto dahil ang utak naman ng nasabing slogan na si Undersecretary Vicente Romano ay nagbitiw na sa kanyang posisyon.
Wika ng Kalihim na mayroong level ang accountability at sa tingin umano nito ang command responsibility ay hindi na dapat pang umabot pa sa kanya.
Idinagdag pa nito na binigyan ng full autonomy si Romano tungkol sa proyekto kayat ito ang accountable dito.
Matapos na sisihin ni Lim si Romano ay pinuri nito ang kanyang dating undersecretary dahil sa pagbibitiw nito na isa umanong kapita-pitagan na kanyang ginawa.
Nilinaw pa ni Lim na hindi fall guy si Romano upang sagipin siya mula sa pagsibak ng Malacañang.
Matatandaan na umabot sa P5 milyon ang nagastos ng gobyerno sa nasabing slogan subalit nasayang lamang dahil ibinasura ni Pangulong Aquino ang slogan at logo.