1st year anniv. ginunita: Hustisya sigaw sa Maguindanao massacre
MANILA, Philippines - Isang taon matapos ang malagim na Maguindanao massacre, patuloy na sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng 57 biktima ng karumal-dumal na pagpatay sa Ampatuan, Maguindanao.
Sinabi ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu, ang Nob. 23, 2009 ang ‘darkest moment’ sa kasaysayan ng Maguindanao at dapat na ituring na ‘martyrs’ ang 57 biktima ng masaker kabilang ang kaniyang misis na si Bai Genalyn Mangudadatu at iba pang miyembro ng kanilang angkan.
Sa unang taong anibersaryo ng massacre, inamin ni Gov. Mangudadatu na patuloy ang kaniyang pagluluksa at dahil dito ay mahirap para sa kaniya ang magpatawad.
Aniya, nakadaragdag sa bigat ng kaniyang nararamdaman ang mabagal na takbo ng paglilitis sa mga miyembro ng pamilya Ampatuan na itinuturong mastermind sa krimen.
Samantala, humihingi ng proteksiyon mula sa pamahalaan ang mga pamilya at kaanak ng mga biktima ng massacre bunsod ng mga banta sa kanilang buhay.
Kinumpirma ng ina ni dating UNTV reporter Victor Nuñez na si Catherine Nuñez na may ilang pamilya ng mga biktima ng massacre ang nakakatanggap na ng death threats habang usad-pagong ang takbo ng pagdinig sa kaso.
Sa kabila nito, muling sumumpa ang naturang mga pamilya at kaanak na ipagpapatuloy nila ang laban para makamit ang katarungan kahit pa gaano ito katagal.
Sa kasalukuyan, may 83 na ng 176 katao na kinasuhan ng multiple murder ang naaresto.
- Latest
- Trending