Sa palpak na 'Pilipinas Kay Ganda' logo: Usec. 'gaya-gaya' nagresign!
MANILA, Philippines - Nagbitiw kahapon sa kanyang tungkulin si Tourism Undersecretary Vicente Romano III na siyang ‘utak’ ng kontrobersyal na slogan at logo ng Department of Tourism (DOT) na “Pilipinas Kay Ganda”.
Humingi ng paumanhin si Usec. Romano kay Pangulong Aquino, kay Tourism Sec. Alberto Lim at sa publiko at inako ang ‘full responsibility’ sa palpak na logo at slogan ng DOT na umani ng pagpuna mula sa mga stakeholders at maging sa Pangulo.
Sa isang statement, sinabi ni Romano na siya ang nag-atas sa Campaigns & Grey na kumuha ng inspirasyon sa logo ng mga European countries gaya ng Polska, España, Portugal, Italia at Maldives kung saan nabuo naman ang Pilipinas Kay Ganda slogan.
Inakala umano nito na maganda ang disenyo kung kayat minadali ito at hindi na nagawang makunsulta ang tourism sector.
Sabi pa ni Romano na naghain ng irrevocable resignation, hindi niya itinuturing na ‘plagiarism’ ang ginawa nilang pagkuha ng inspirasyon mula sa “Polska” tourism logo ng Poland.
Iginiit niya na ang ginawang panggagaya ng nasabing logo mula sa Polska ay isang common practice.
“Getting inspiration from existing designs is not an uncommon practice. In fact, in one of the definitions of plagiarism, it is stated that, ‘While plagiarism is condemned in academia and journalism, in the arts it is often a major part of the creative process.’ I did not consider it plagiarism then. I’m sorry others don’t feel the same way,” giit pa ni Romano.
Ipinaliwanag din niya na sa kanyang pagkunsulta sa disenyo kay Pangulong Aquino ay nagkaroon na ng suhestiyon na magkaroon muna ng comprehensive market research bago ito ilunsad gayundin naman ang posisyon noon ni Lim ngunit nagdesisyon pa rin umano ito na ituloy ang slogan.
Tinanggap naman ni Pangulong Aquino ang pagbibitiw ni Usec. Romano, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Nabatid na gumastos umano ang DOT ng P4.8 milyon para ilunsad ang kampanya ng nasabing palpak na logo.
- Latest
- Trending