MANILA, Philippines - Inaasahang ganap nang matutuldukan ang kontrobersiyal na isyu ng ‘fuel leak’ sa West Tower Condominium, Bgy. Bangkal, Makati City, matapos dumating sa bansa ang mga dayuhang eksperto na magsasagawa ng kumprehensibong pag-aaral at programa para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Inihayag ni Edmund Piquero, environmental hydro-geologist mula sa “CH2MHILL,” isang kumpanyang Amerikano na nakabase sa Singapore, ang permiso na lang ng pamahalaang lungsod ng Makati ang hinihintay nila para masimulan ang proyekto.
Natanggap umano ni Makati City Mayor Jejomar ‘Junjun’ Binay ang kanilang aplikasyon noon pang Nobyembre 12.
Aniya, plano nilang magsagawa ng paunang 17 “’monitoring (deep) well” sa iba’t-ibang lugar sa lungsod upang makakuha ng sapat na datos na magagamit para naman sa pagsasagawa ng kailangang programa sa ‘cleanup’ ng mga kontaminadong lugar.
“If we have to make additional drillings, then we will do so,” pahayag ni Piquero sa media briefing.
Ayon pa kay Kon Chee Min, project delivery manager, ang pagtugon sa mga problemang may kinalaman sa fuel leak mula sa mga pipeline katulad ng nangyari sa Makati at iba pang suliranin sa kapaligiran sa iba’t-ibang panig ng mundo ang kanilang tinututukan sapul ng maitayo ang kanilang kumpanya noong 1946.
Kasama umano sa kanilang mga naging kliyente ay ang ‘Big 3’ sa oil industry sa bansa kung saan mahigit 300 beses na silang nakapagsagawa ng mga ‘test drill’ sa iba’t-ibang lugar sa nakaraang 10 taon.
Ang kumpanya ang kinuha ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC), may-ari ng nasirang pipeline, upang tiyakin na malilinis ang mga kontaminadong lugar. Kasama sa rehabilitasyon ang lugar ng West Tower Condominium kung saan unang napansin ang pagtagas noong Hulyo.
Ang pagsisimula ng cleanup ay kasunod naman ng nangyaring pagdinig sa Senado noong isang linggo at ginanap na ‘ocular inspection’ noong Biyernes sa mga apektadong lugar sa pangunguna ni Sen. Juan Miguel Zubiri.
Tiniyak naman ni Dr. Carlos Arcilla, ang Pinoy geologist mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na kinuha ng pamahalaang lungsod ng Makati upang alamin ang ‘source’ ng gas leak, walang katotohanan at batayan sa siyensiya ang balita nang posibleng “pagsabog” sa West Tower at karatig lugar dala ng kontaminasyon ng tumagas na mga krudo at gasolina mula sa pipeline.
“Explosion, no. What has to be done is... to protect West Tower from explosion, to stop the fuel from flowing to the building by all means necessary…and that can be done. But explosion of Makati, that will not happen,” pagtitiyak ni Arcilla sa media.
Ganap na natukoy na ang tubo ng FPIC na nagsusuplay ng produktong petrolyo mula sa Batangas patungong Pandacan ang pinanggalingan ng tagas nito lamang Nobyembre sa tulong ni Arcilla.