Rabies tinututukan din ng DOH
MANILA, Philippines – Bukod sa mga kaso ng dengue at tigdas, tinutugunan na rin ng Department of Health (DOH) ang kaso ng rabies at hindi nila ito ipinagwawalang bahala.
Ang Rabies ay dulot ng virus na may epekto sa central nervous system. Nagmumula ang virus na ito sa kagat o laway ng isang hayop na may rabies tulad ng aso.
Ayon kay Dr. Eduardo Canairo, director ng National Center for Disease Prevention and Control ng DOH, ang bawat dapuan ng rabies ay tiyak na kamatayan ang kahahantungan lalo kung hindi ito agarang malulunasan.
Sa datos ng DOH, mula noong Enero hanggang Oktubre, nasa 264 na ang naitala nilang nabiktima kung saan 206 dito ang nasawi.
Sa mga nakalap na ulat ng DOH, pinakamaraming kaso ng rabies ay sa Region 4B kung saan 29 mula sa 49 ang namatay, na sinundan ng Region 3 na 32 mula sa 36 ang nasawi habang sa Region 5, 29 na katao ang hindi pinalad na maagapan.
Payo naman ng DOH, kapag nakagat ng aso, ang unang dapat gawin ay linising mabuti ang iniwang sugat ng tubig at sabon. Pwede rin uminom ng antibiotics o magpabakuna laban sa tetanus.
Gayunman, kailangan pa rin na agad magpakonsulta sa doktor.
- Latest
- Trending