MANILA, Philippines – Inamin ni Health Secretary Enrique Ona na walang stock na gamot ang DOH laban sa bird flu o Avian Influenza sakaling magkaroon ng kaso sa bansa.
Ayon kay Sec. Ona, gamot lamang para sa prevention tulad ng Tamiflu meron ang DOH at walang vaccines na para sa bird flu virus.
Dahil dito, mahalaga ayon sa kalihim na mapigilang makapasok sa bansa ang virus.
Kaugnay nito, mahigpit umano na minomonitor ng DOH ang nakumpirmang kaso ng bird flu sa Hong Kong.
Ayon kay Ona, activated na ang mga quarantine area sa NAIA at maging ang mga thermal scanners.
Nakahanda na rin aniya ang Research Institute for Tropical Medicine, San Lazaro Hospital at Lung Center of the Philippines kung saan susuriin ang specimen ng mga suspected bird flu cases na makapasok sa Pilipinas.
Payo pa ng opisyal, kapag nakaramdam ng matinding lagnat at nahirapang huminga, kaagad na magpatingin sa doktor.
Samantala, ibinabala naman ni Dr. Eric Tayag, hepe ng DoH-National Epidemiology Center na iniinom lamang ang Tamiflu kapag kumpirmado ng mayroong H1N1 o kaso ng bird flu.
Sakaling umiinom umano ng Tamiflu ang isang wala namang sakit ay posibleng maging immune na ito at sakaling tamaan na ng naturang virus ay hindi na ito magiging epektibo na mas magiging mapanganib dahil maliban sa Tamiflu ay wala pang naiimbentong iba pang panlaban sa sakit maliban sa H1N1 na mayroon ng bakuna.
Taong 2003 nang unang maitala ang human bird flu sa HK at kamakailan lamang ay inamin ng HK health officials ang panibagong kaso ng sakit na nakita sa isang 59-anyos na babae na sinasabing bumisita sa mainland China.